Binigyang diin ng National Institutes of Health (NIH)-University of the Philippines na kailangan maimplementa ang mas mahigpit na border control sa gitna ng mga banta ng Delta variant ng COVID-19.
Sa isang press briefing ay sinabi ni NIH executive director Eva Maria Cutiongco dela Paz na kailangan paigtingin ng bansa ang vaccination program nito lalo na at nagpapakita ang Delta variant ng mas mataas na transmissibility kumpara sa ibang variants.

Ipinunto ni Dela Paz, na director for health programs ng Philippine Genome Center, na kailangan ang strict border control dahil mapipigilan nito ang pagpasok ng Delta variant.
Dagdag ng eksperto, magiging malaking hamon ang pagpapaigting ng vaccination sa bansa, ngunit pwede naman ito masabayan ng mas istriktong implementasyon ng minimum public health standards at PDITR o ang prevent, detect, isolate, treat at reintegrate strategy laban sa COVID-19.
Mababatid na nasa 17 kaso na ng Delta variant ang na-detect ng PGC at ng NIH-UP dito sa Pilipinas.