Inatasan na ni Philippine National Police chief Gen Rodolfo Azurin Jr ang lahat ng kanilang mga National Support Units na makipagtulungan sa Criminal Investigation and Detection Group o CIDG.
Ito ay para sa gumugulong na imbestigasyon sa paghahanap sa 34 na mga nawawalang sabungero.
Sa pulong balitaan, sinabi ni Azurin na pinamamadali na nila sa kanilang mga personnel ang pagtukoy sa mastermind sa posibleng pagdukot sa mga cockfighting enthusiast.
Naniniwala rin ang PNP chief na malapit nang mabigyan ng linaw ang pagkawala ng mga mananaya dahil sa lead at ebidensyang hawak ng CIDG.
Matatandaaang bagamat nasampahan na ng kaso ang ilan sa mga suspect sa pagkawala ng mga sabungero – nananatili pa ring unsolved ang pinaniniwalang abduction sa mga ito.
READ MORE:
Kaugnay niyan, isiniwalat din ni Azurin na napag-alamang mayroon pa ring mga mala-guerilla operations ng online sabong.
Sabi ng PNP chief, bagamat ipinag-utos na ang pagpapahinto sa mga operasyon ng e-sabong, nalamang mayroon pa ring iilang mga grupo na nagpapatuloy sa pagpapataya nito.
Dagdag pa ni Azurin, maging ang mga kababayan natin sa ibang bansa ay nahuhumalin sa iligal na e-sabong kung saan, ipinadadala umano ang mga taped sabong games at tska pa lamang pinatataya ang mga OFWs.
Nagsasanga-sanga rin aniya ang epekto ng sabong kagaya na lamang ng pagkakabaon sa utang ng iilan.
Dahil dito, tumataas din ang mga krimen, kagaya na lamang ng mga pulis na sangkot sa robbery at carnapping na napaglamaang naubos ang pera sa sabong.
#
