Target na mabigyan ng Cauayan City Agriculture Office katuwang ang City Social Welfare Development program ng vegetable seedlings ang mahigit 2,700 na miyembro ng 4PS sa lunsod maging ang mga apektadong magsasaka.
Ito ang kinumpirma ni Cauayan City Agriculturist Engr. Ricardo Alonzo sa panayam ng 92.9 Brigada News FM Cauayan.
Aniya, naglaan ng pondo ang Lokal na Pamahalaan ng Cauayan na pinambili ng iba’t ibang klase ng lowland vegetable seeds at livestock na ipapamahagi hindi lamang sa mga miyembro ng 4Ps kundi maging sa mga magsasakang naapektuhan ng pandemya.
Dagdag pa ni Engr. Alonzo, kasalukuyan nang nagtutungo sa mga barangay sa lunsod ang kanilang grupo upang mamahagi ng vegetable seedlings sa mga backyard growers, eskwelahan at para sa communal garden ng bawat barangay.
Layunin nang naturang programa na matulungan ang mga residente sa siyudad na makapagtanim ng mga gulay upang matugunan ang kanilang pangangailangan.
Mayroon na rin umanong nakatalagang mga agriculture extension workers sa bawat barangay upang siguraduhing naitatanim at napapalago ang mga ibinibigay na livelihood assistance ng ahensya.
Hinikayat naman nitya ang mga Cauayeño na makipag-ugnayan lamang sa barangay official at agriculture extension workers upang makahingi ng mga buto o punla ng gulay na itatanim.