Arestado na ng Rizal Police Provincial Office ang magkapatid na suspek na unang nakatakas matapos ang pagpatay kay PSSg Allan Guimpayan sa Taytay, Rizal noong September 7.
Kinilala ni Rizal PPO Director Police Colonel Rainerio De Chavez ang mga suspek na sina Eleo Poblador Belda alyas “Bonbon” at Caroso Poblador Belda Jr. alyas “Nonoy.”

Naaresto ang dalawa noong September 14 sa isang construction site sa San Jose Del Monte, Bulacan matapos ang tuloy-tuloy na follow up operations ng operating unit ng Rizal PPO.
Sa isinagawang operasyon, narekober sa suspek na si Eleo ang cal. 9mm pistol service firearm ni PSSG Guimpayan at isang hand grenade.
Nai-turn over na ito sa Rizal Provincial Forensic Unit para isailalim sa Ballistic Examination.
Naisailalim na rin ang dalawa sa inquest proceedings sa kasong paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Law on Firearms and Ammunition at RA 9516 o Illegal/Unlawful Possession of Explosive-Hand grenade.
Bukod dito, nahaharap din ang mga suspek sa kasong murder na nauna nang naisampa sa piskalya.
Kasalukuyan silang nakakulong sa Taytay Custodial Facility habang nakabinbin ang preliminary investigation.
Maalalang si PSSg Guimpayan na nakatalaga sa Warrant Section ng Taytay Police Station ay pinagtulungan pagpapaluin at pagbabarilin gamit ang kanyang sariling service firearm ng dalawang suspek at dalawa pang miyembro ng kanilang pamilya.
Nauna nang sinampahan ng murder charges sa Rizal Prosecutor’s Office sina Caroso Belda Sr. alias “Pulding”, at anak na si Dexter alias “Bibe”, Caroso, Jr.