Lolo na marathon champion, isa ring proud farmer sa Sorsogon; pagsasaka bahagi raw ng kanyang training

SORSOGON CITY—Taas-noong ibinahagi ni Sonny Ducay, isang champion marathoner mula sa lungsod ng Sorsogon na siya ay isang magsasaka bukod sa pagiging isang atletang kampeon.

Sa edad na 60, nagawang masungkit ni Ducay ang tatlong gintong medalya sa 2023 Philippine Masters Athletics Championship na ginanap sa Pasig City nitong nagdaang Abril 14-16.

Dito ay pinataob nya ang mga nakalaban mula sa iba’t-ibang panig ng bansa kabilang ang mga retired PNP at AFP personnel.

Nanguna siya sa 10km run, 2km staple chase at 5km run na naging daan para magkwalipika sa pagsabak sa Asia Masters Athletics Championship (AMAC) na gaganapin sa darating na Nobyembre.

Read More:  Soldiers trek 25 kilometers carrying school chairs for Indigenous students in Davao del Norte

Sa panayam ng Brigada News FM Sorsogon, ibinahagi ni Ducay na isa sa pinaka-ensayo niya ay ang araw-araw na pagtatanim at paglalakad ng dalawang kilometro mula sa kanyang sakahan sa Barangay Cabid-an papunta sa sentro ng lungsod bitbit ang kaniyang mga panindang prutas at gulay.

Sa katunayan anya, bago ang kaniyang pagsabak sa Philippine Masters Athletics Championship sa Pasig ay pinagsasabay niya ang pagsasaka at pag-eensayo kung saan sa umaga ay nasa kanyang sakahan lamang siya at sa gabi naman ay tumatakbo siya sa City Hall grounds o kaya sa Coastal road.

Read More:  Several children saved in Davao del Sur anti-online sexual abuse raid

Taas-noo ring ibinahagi ni Ducay na galing sa pagsasaka ang pera na ipinanggastos niya sa pagsabak sa nasabing kumpetisyon. Pinag-ipunan niya talaga umano ito sa pagtitinda ng mga gulay at prutas mula sa kanyang sariling sakahan.

Aminado ang farmer-athlete na hindi basta-basta ang pagsabak sa marathon dahil sa mga gastusin. Maliban sa registration ay kinailangan niya ring paghandaan ang mga gastusin sa pananatili sa Maynila kung saan isang lingo umano siyang nandoon kasama ang kanyang pamilya.###