MERCEDES, CAMARINES NORTE – Tuloy- tuloy ang ginagawang pagbabakuna ng Lokal na Pamahalaang Bayan ng Mercedes sa mga kasama sa A1 senior citizens at A2 o yaung may mga comorbidities.
Nitong Miyerkules ay binakunahan ang mga kasama sa masterlist mula sa Barangay 4 hanggang 7.
Noong Lunes ay binakunahan naman ang mga nagmula sa Barangay 1 hanggang 3 gayundin ang San Roque at Del Rosario.
Una nang inanunsiyo ng MHO na ang babakunahan ay ang mga pangalan na kabilang sa masterlist na isinumite ng mga Barangay Health Emergency Response Team (BHERTs), mga hindi pa nabakunahang frontliners, senior citizens o Mercedenos na 60 anyos pataas, at ang mga pasyenteng may comorbidities tulad ng highblood, diabetes, sakit sa bato at iba pa.
Ang mga babakunahan ay kinakailangan lang na magdala ng valid ID, medical certificate para sa mga pasyenteng may comorbidities, senior citizens ID o dokumentong magpapatunay na 60 anyos o higit pa ang edad.
Kinakailangan ding nakasuot ng face mask at face shield ang mga magpapabakuna at mas mainam kung may dalang alcohol o hand sanitizer.
