CAMARINES NORTE- Natagpuang wala nang buhay ang isang lalaki sa loob mismo ng kanyang kwarto bandang alas 6:00 ng umaga noong Sabado sa Barangay 3, Mercedes Camarines Norte.
Batay sa ulat ng PNP, kinilala ang lalaki na si Melquides Arcilla 60 anyos, binata, mangingisda at residente sa nabanggit na lugar.
Ang kapitbahay ng lalaki ang nagpaabot ng impormasyon sa himpilan ng Mercedes Municipal Police Station.
Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya batay na rin sa kwento ng kapitbahay ng biktima ay ilang araw na umanong dinadaing nito ang labis na pananakit ng kanyang katawan at hindi magandang pakiramdam.
Kaya naman noong umaga ding iyon ng Sabado ay nag-alala umano ang isa pa nitong kapitbahay at naglakas loob na pumunta at sumilip sa bahay ng biktima kung saan nakita niya ito na nakahiga sa kanyang kama, nakabuka ang bibig at wala ng buhay.
Agad namang dinala ang biktima sa Camarines Norte Provincial Hospital ng mga rumespondeng tauhan ng MDRRMO ngunit idineklara na itong dead on arrival ng doktor.
Nagsagawa ng imbestigasyon ang pulisya upang alamin ang ang sanhi ng pagkamatay ng lalaki.
