Ibinasura ng Makati City court ang ikalawang cyber libel case na inihain laban kay Rappler CEO Maria Ressa, matapos na hilingin ng complainant na si Wilfredo Keng ang pagdismiss sa kaso.
Sa kanyang mosyon, hiniling ni Keng ang pagbasura sa civil aspect ng kaso, at hinirit na ma-excuse siya mula sa pagkikibahagi dito.
Ayon sa negosyante, napagdesisyunan umano niyang tumutok nalang sa pagtulong sa gitna ng pandemya, sa halip na maging pre-occupied sa prosecution ng kaso.
Kaugnay nito, pinasasauli rin ni Judge Andres Soriano ng Makati City Regional Trial Court Branch 148, ang P24,000 cash na ipinampiyansa ni Ressa noong November 2020.
Matatandaan na noong nakaraang taon nang kasuhan si Ressa ng cyber libel para sa ikalawang pagkakataon, kaugnay sa kanyang Twitter post kung saan ibinahagi nito ang article ng news website na may kaugnayan kay Keng.
Ang post ay naglalaman ng screenshots ng artikulo, kung saan tinutukoy si Keng bilang maimpluwensyang “Chinese businessman” na umano’y suspect sa ambush-slay sa dating Manila councilor, bagay na itinanggi nito. // MHEL PACIA