Konstruksyon ng bagong OFW Lounge sa NAIA Terminal 3, ininspeksyon ng liderato ng Kamara

Posibleng mapakinabangan na ang pinakabagong OFW lounge sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 bago matapos ang Hunyo ngayong taon.

Ito ang kinumpirma ni House Speaker Martin Romualdez matapos inspeksyunin ang konstruksyon ng OFW Lounge sa Terminal 3 kasama sina Senior Deputy Speaker Dong Gonzales at Majority Leader Mannix Dalipe.

Ayon kay Romualdez, halos doble ang lawak ng lounge sa paliparan kumpara sa NAIA Terminal 1 dahil mas marami ang mga pasaherong dumadagsa.

Sa sandaling matapos ay makakapag-accommodate aniya ito ng dalawandaang pasahero at tulad ng ibang OFW Lounge, magkakaroon ng amenities upang siguruhing komportable ang mga kababayan natin bago umalis patungong ibang bansa.

Bukod sa pagkain at refreshments, magdo-donate ang Office of the Speaker ng apat na television sets sa Terminal 3 OFW Lounge na hiwalay pa sa naunang dalawang units na ibinigay sa Terminal 1.

Pinasalamatan ni Romualdez ang management ng NAIA dahil pinagbigyan ang hiling na tiyaking VIP ang turing sa migrant workers.

Pasasalamat din ang mensahe ng House leader sa consortium na pinangungunahan ni San Miguel Corporation CEO Ramon Ang dahil sa pagsasakatuparan ng mas malawak na puwang sa Terminal 3 para sa OFWs.

Mababatid na nasungkit ng SMC-SAP and Co. Consortium ng San Miguel Holdings Corporation, RMM Asian Logistics, Inc., RLW Aviation Development, Inc. at Incheon International Airport Corporation ang 170.6 billion pesos na PPP project para sa komprehensibong rehabilitasyon at operasyon ng NAIA.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *