Nagtipun-tipon ang iba’t ibang mga progresibong at militanteng grupo kasabay ng nakatakdang pagbisita ni US Vice President Kamala Harris sa Malacañang ngayong araw.
Isinagawa ang kilos-protesta at isang lighning rally sa Mendiola Peace Arch, at iba pang mga lugar sa Maynila.
Dala-dala ang mga placard – nagmartsa ang iba’t ibang grupo papuntang Mendiola, sigaw ang kanilang panawagang ibasura ang umano’y pagkubabaw sa Pilipinas ng Amerika.
Iginiit ng mga grupo na hindi welcome si Harris sa Pilipinas at lalo lang nitong pinalalakas ang umano’y imperyalistang relasyon ng Amerika sa Pilipinas sa pamamagitan ng pagtatayo nila ng mga base ng militar sa bansa.
Anila, ibasura ang umiiral na Enhanced Defense Cooperation Agreement o EDCA at ang Visiting Forces Agreement o VFA.
Idiniin din ng mga grupo ang umano’y pang-aabuso ng mga tropa ng Amerikano sa mga kababaihang Pilipino.
Pinawi-withdraw nila ang lahat ng presensya ng mga sundalong Amerikano sa bansa, pati na rin ang lahat ng pagpopondo ng Amerika sa Pilipinas.
Sa huli, tiniyak ng Manila Police District ang seguridad sa palibot ng Palasyo, pati na rin ang pagpapatupad ng ‘maximum tolerance’ sa mga raliyista.
#
(ANAKBAYAN PHOTO)
RELATED STORIES:
US VP Harris, makikipagpulong kina PBBM at VP Duterte ngayong araw
