CAMARINES NORTE- Papalo na sa halos dalawang daan ang kaso ng dengue sa lalawigan ng Camarines Norte mahigit tatlong buwan bago matapos itong taon.
Batay sa pinakahuling datos ng Provincial Health Office umaabot na sa 196 ang bilang ng mga naitatalang kaso ng dengue na mataas nang masyado kumpara sa 154 sa buong taon ng 2021.
Pinakamarami pa rin ang kaso sa Daet na mayroong 58 kung saan sa isang barangay pa lamang nito ay double digit ang naitalang kaso.
Ang dalawang highly populated Barangay tulad ng Alawihao na nakapagtala ng 12 kaso at Lag- on na may 6 ang siyang pinakamaraming kaso ng dengue sa naturang bayan.
Ang bayan ng Basud ay mayroong namang 30 kaso kung saan pinakamarami ang naitala sa Barangay Langga na may 18 at Poblacion 1 na may 7.
May 27 kaso naman ang Jose Panganiban, Mercedes 24, Labo 17, Talisay 12, Paracale 10, San Vicente 3, San Lorenzo Ruiz 2 at isa sa Capalonga.
Pinangangambahan namang tataas pa ang mga kaso ng dengue sa panahon ng tag ulan.
Samantala, patuloy naman ang kampanya ng PHO sa mga stratehiya kontra dengue sa pamamagitan ng pagsasagawa ng lecture sa mga lugar na mayroong mataas na kaso.
Mayroon namang dumating na net roll set na nakatakdang ipamahagi sa iba’t- ibang Rural Health Unit.
Anim dito ay ilalaan ng PHO sa Department of Education para sa mga eskwelahan.
Dahil limitado lang ito, bahala na umano ang DepEd na mag – identify kung aling eskwelahan ang may mas higit na pangangailangan.
