Karagdagang suporta sa local producers ng mga pagkain, pangmatagalang solusyon sa inflation – AGRI party-list

LEGAZPI CITY – Dapat umanong magbigay ang gobyerno ng higit na suporta sa mga magsasaka at mangingisda upang palakasin ang lokal na produksyon para sa epektibong matugunan ang inflation ayon sa Agri Party-list.

Sinabi ni Agri Party-list Rep. Wilbert Lee sa Philippine Society of Agriculture and Biosystems Engineers (PSABE) Convention sa Legazpi City, nauunawaan niya ang layunin ng AO# 20 upang agad na mapababa ang presyo ng mga bilihin at mabawasan ang pasanin ng mga consumers ngunit maituturing itong short-term solution.

Mas nakikita ang long-term solution para sa inflation kung may dagdag na suporta sa mga local food producers na pakikinabangan ng taumbayan mula sa mga magsasaka at mangingisda hanggang sa mga consumers.

Dagdag pa nito, hindi pwedeng maging import dependent habambuhay dahil hindi makokontrol ang export policy ng ibang bansa na anumang oras ay pwedeng maghigpit o magbago depende sa mga pangyayari tulad ng kalamidad o kaguluhan sa ibang mga bansa.

Samantala, nasa 3.7% ang inflation rate sa bansa noong Marso mula sa nakaraang buwan na 3.4% kung saan ang food inflation ang pangunahing nag-ambag sa kabuuang inflation.

Muling iginiit ni Lee na dapat agresibong tugunan ng gobyerno ang mga salik na nag-aambag sa inflation ng pagkain para mapigilan ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *