Wala nang buhay nang matagpuan sa Sitio Topaz, Guinhadap, Monreal, Masbate ang isa sa anim na mga mangingisdang nawawala sa Virac, Catanduanes.
Ayon sa impormasyong inilabas mula sa Virac MDRRMC, alas onse ng umaga noong Disyembre 31, 2022 nang madiskobre ng Monreal, Masbate MDRRMO ang bangkay ng mangingisdang si Dante David, 41 anyos ng Palnab del Sur, Virac, Catanduanes.
Sa pagbeberipika ng mga otoridad sa impormasyon, kinumpirma ito ng mismong kaanak ng mangingisda dahil sa suot nitong damit na itim na long sleeves at dilaw na shorts na ginamit noong araw ng kanilang pagpunta sa laot.
Ang nasawing mangingisda ay kasamahan nina Arnel Araojo, Noel Zafe na naunang natagpuang patay, at ni Norman Lim na buhay na natagpuan.
Samantala, sa ngayon may dalawa pa sa mga mangingisdang nawawala sa nasabing bayan, at ilan pa sa Viga, Catanduanes ang pinaghahanap pa ng mga otoridad