SORSOGON CITY – Kinuwestyon ng ilang mamamayan sa lungsod ng Sorsogon ang maagang curfew hours ng City LGU na sinimulang ipinatupad noong nakaraang linggo kasunod ng implementasyon ng bagong ipinalabas na EO No. 36.
Sa pahayag sa Brigada News FM Sorsogon ng ilang mamamayan, hindi na umano kailangan pa na magpatupad ng mas maagang curfew, sa halip na magfocus na kontrolin ang paglabas ng tao sa gabi ay dapat na mas tutukan ang mga aktibidad sa lungsod tuwing umaga.
Dagdag pa ng mga ito, ang mas kailangan na bigyan ng pansin ay ang pagpapatupad ng maayos na pasilidad at patakaran sa mga ospital na siyang natukoy bilang pangunahing pinagmumulan ng mga nagpopositibo sa coronavirus.

Batay sa ulat ng City Health Office (CHO), sa lugar ng trabaho kadalasang nagmumula ang sanhi ng transmission ng virus.
Binigyang-diin ng mga ito na dahil sa mas pinaagang curfew ay tuluyang nawalan ng pagkakakitaan at hanap buhay ang maliliit na negosyante partikular na ang mga nagtitinda ng balot at mga street food business owners.
Ang pinaikling curfew hours ay kasunod ng pagsasailalim ng buong lungsod sa ‘weekend lockdown’ na nagsimula noong Setyembre 13 makaraang makapagrehistro ang lungsod ng hindi bababa sa 22 kaso ng sakit araw-araw.