Nanawagan ang ilang senador sa administrasyon na i-obligate ang natitirang pondo sa ilalim ng Bayanihan to Recover as One Act bago mag-expire ang batas sa katapusan ng buwan.
Base sa datos ng Department of Finance (DOF) ay sinabi ni Senator Francis Pangilinan na meron pang natitira na P173-billion mula sa Bayanihan 2 na hindi pa nailalabas.

Iginiit ng senador na kailangang mag-shape up ng mga ahensya ng gobyerno dahil gamit ang napakalaking halaga ay kaya anya nito na bawasan ang paghihirap ng mga Pilipino na labis na naapektuhan ng pandemya.
Sinabi ni Pangilinan na kasalanan na maituturing ang pagiging mabagal na kumilos sa kabila ng availability ng bilyon-bilyong pondo.
Matatandaan na inisyal na mage-expire dapat sa December 19 noong nakaraang taon ang Bayanihan 2, ngunit napalawig ito hanggang June 30, 2021.
Sa ngayon ay sinisikap ng mga mambabatas na mapalawig muli ang epekto ng batas.