Hinimok ni Senator Risa Hontiveros ang Department of Foreign Affairs (DFA) na ipatawag si Chinese Ambassador Huang Xilian matapos mapaulat ang presensya ng karagdagang 100 Chinese ships sa loob ng exclusive economic zone ng bansa sa West Philippine Sea.
Sa isang pahayag ay ipinunto ni Hontiveros ang report ng data analysis company na Simularity kung saan ay sinabi na sa gitna ng mid-May at mid-June 2021, ay mula siyam ay tumaas sa 236 na barko ang namataan sa loob ng Union Banks, habang mula 234 ay bumaba sa 71 ang bilang ng mga barko sa Gaven (Burgos) Reef sa Tizard Bank.
Iginiit ni Hontiveros na kailangan ay makausap ng DFA ang Chinese Ambassador ng masinsinan dahil hindi pwedeng magpatuloy ang walang patid na pagmamalabis ng China sa ating bansa.

Binigyang diin ng senadora na kailangan ng ating bansa ng dignidad at respeto, at sa kasalukuyan ay namimihasa na ang China.
Tiwala naman si Hontiveros na magpapadala ang DFA ng panibagong diplomatic protest na may kinalaman sa ulat ng Simularity.
Inihayag rin ng senadora na imbis na magkaroon ng de-escalation ng tensyon sa mga pinagtatalunang teritoryo, ay tila dinoble pa ito ngayon ng China.
Malinaw anya na ipinakikita nito na walang kahihiyan ang China sa ginagawa nitong pagpapalala ng sitwasyon.