Hindi lubos akalain ni nanay Teresita Polillo na sa halos 44- taon nilang paninirahan sa Spokoi, Barangay Sabang sa lungsod ng Naga na sa isang iglap maaabo ang kanilang itinuturing na tahanan, makalipas itong matupok ng apoy, linggo ng gabi, Pebrero 25.
Inabutan ng Brigada News FM Naga si Nanay Teresita sa evacuation center kasama ang isa pang pamilya na apektado rin ng sunog na dito na nagpalipas ng gabi dahil sa insidente.
Ayon sa kanya, nasa lamay siya nang sumiklab ang sunog, walang ibang tao sa kanilang bahay kung kaya’t wala ring sumalba sa mga gamit kabilang ang kanyang alagang aso.
Kasama rin sa naabo ang kanyang ipon na umaabot sa sampung libong piso na gagamitin niya sana ngayong darating na semana santa para sa pabasa.
Sa inisyal na ulat ng Bureau of Fire Protection Naga, umabot sa third alarm ang sunog, at nagtutulong-tulong ang iba pang kalapit na estasyon ng bombero, fire volunteers at mga residente upang maapula ang apoy.
Tinatayang nasa 1.9 million pesos ang halaga ng mga gamit na nilamon ng sunog. Samantala nagpaabot naman ng paunang tulong ang City Social Welfare and Development Office para sa mga apektadong residente.