CAMARINES NORTE – Nakatutok naman ngayon ang Philippine National Police Highway Patrol Group sa mga bibiyahe palabas ng lalawigan pagkaraan ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections at sa pagtatapos ng pagunita ng Undas.
Sa harap yan ng inaasahang pagdagsa na namang muli ng mga pasahero sa mga terminal na babalik na sa kani- kanilang mga trabaho at ang karamihan ay bibiyahe patungong Metro Manila.
Ayon kay PCapt Miguelio Borromeo, Provincial Officer ng HPG sa Camarines Norte patuloy ang ginagawa nilang pag- iikot sa mga terminal upang tingnan ang road worthiness ng mga pampasaherong sasakyan.
Nagpaalala naman si Borromeo sa mga pasahero na huwag tangkilikin ang mga pribadong sasakyan na naghahanap ng mga pasahero dahil illegal ang pamamasada ng mga ito.
Gayunman, iginiit ni Borromeo na kung maglulunsad sila ng operasyon kontra sa mga ito ay kailangang kasama nila ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board at Land Transportation Office. Nagbigay rin muli ng paalala ang opisyal sa mga nagmamay ari ng sasakyan.
