SORSOGON CITY – Para sa mga bagong botante, inisa-isa ng Comelec-Sorsogon ang hakbang sa pagboto sa Mayo 9, national at local elections (NLE).
Una rito, sinabi ni Provincial Election Officer Atty Alberto Canares III na ang simula ng botohan ay alas 6:00 ng umaga hanggang alas 7:00 ng gabi.
Matapos umano sumailalim sa temperature check ay saka pa lamang makakapasok sa voting center ang isang botante.
Magtungo ito sa Voter’s Assistance Desk (VAD) para alamin ang precinct at sequence numbers at assigned room o clustered precinct.
Kapag nasa assigned room na ay magpakilala sa Electoral Board sa pamamagitan ng pagsabi ng pangalan, precinct number at sequence number. Dito na ibibigay ng EB ang balota, ballot secrecy folder at marking pen upang bumoto.

Sa pagboto naman ay itiman lang ang loob ng bilog sa unahan ng pangalan ng kandidatong nais iboto.
Sa pontong ito ay nagpaalala si Atty Canares na huwag bumoto ng labis sa nakatalagang bilang sa bawat posisyon.
Matapos magboto ay ipasok ang balota sa Vote Counting Machine o VCM at paglabas ng resibo ay suriin muna ito bago ihulog sa nakatalagang lagayan.
Bago umalis ng room ay magpalagay ng marka o indelible ink sa kuko ng kanang hintuturo.
Nagpaalala naman ang opisyal na hanggat maaari ay umalis na sa polling area o umuwi na pagkatapos bumoto.