CAMARINES NORTE- Tumulak na kaninang umaga ang grupo na magsasagawa ng aerial inspection para hanapin ang limang mangingisda mula sa bayan ng Mercedes, Camarines Norte na ilang araw nang nawawala.
Sakay ng chopper ng Philippine Air Force, tumulak ang pinagsanib na pwersa ng Philippine Coast Guard, Philippine National Police, Philippine Army, Maritime, Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office at Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office ng Mercedes.
Ayon kay Councilor Jude Hernandez, Chairman ng Sangguniang Bayan Committee on Disaster Risk Reduction and Management, iikutin ng grupo ang bahagi ng Polilio island at Jomalig Quezon.
Inaasahang babalik ito sa lalawigan mamayang alas 2 ng hapon.
Kung maalala ay una nang iniulat ng MDRRMO Mercedes na ang mga nawawalang mangingisda ay kinilalang sina Roger Pun- an 59, Gerome Pun- an 19, at Efren Lozada Jr. 42, pawang mga residente ng Barangay San Roque, Mercedes.
Pumalaot ang mga ito noon pang September 19 o isang linggo bago tumama ang bagyong Karding.
Ang dalawa pang mangingisda ay nakilalang sina Rodel Carillo 35, na residente rin ng San Roque at Ricky Nuñez ng Barangay Manguisoc parehong bayan.
Umalis naman ang mga ito para pumalaot noong September 22.
Ayon sa Philippine Coast Guard, malayo ang fishing ground ng mga nabanggit na mangingsida na ang tawag sa palakaya ay “payaw.”
Una na ring nagpaalala ang PCG sa mga mangingisda na pag ibayuhin ang pag iingat at maging mapagmatyag sa lagay ng panahon lalo pa at papalapit na ang amihan season.
