Tiniyak ni Senator Christopher “Bong” Go na magbibigay ng suporta ang national government para mabigyan ng bakuna ang mga critical areas, sa kabila ng limitadong suplay ng COVID-19 doses.
Ito ay sa gitna ng pagsisikap ng mga lokal na pamahalaan na makakuha ng COVID-18 vaccines para sa kanilang mga constituents.
“Marami na pong gustong mag-order ng bakuna na mga LGUs. Kaya lang ang problema po—supply. Ang may prayoridad po sa ngayon ay ‘yung mga… ay ‘yung national government. Eh kasi ang national government po ang pumipirma po doon sa Indemnification Agreement,” paliwanag ni Go.
“So, sila po ‘yung nabibigyan ng priority dahil unang-una, halimbawa ‘yung sa COVAX Facility, mula po ‘yon sa WHO (World Health Organization) ay inuuna po ‘yung mga national government natin para ma-prioritize kaagad ‘yung mga nasa priority list – frontliners, senior citizens, persons with comorbidities, itong mga economic frontliners. So tuluy-tuloy po ‘yan,” dagdag ng senador.
Nitong taon nang magpahayag ng suporta si Go para sa Senate resolution na nagpapahintulot sa mga local government units na bumili ng kanilang sariling COVID-19 vaccines para sa kanilang mga residente.
At sa tulong ng mga panuntunan ng national government, sinabi ng senador na kailangang mapabilis ang proseso sa pagbili ng sapat na suplay ng ligtas at epektibong bakuna para sa lahat ng Pilipino.
“So, sa ngayon, nakikiusap po ako sa LGUs habang hindi pa po dumarating ang inyong supply, ay unahin n’yo po ang supply ng national at iturok kaagad… Pagdating turok kaagad, ayusin n’yo po ‘yung deployment,” pahayag ni Go, na naghihimok sa mga LGUs na mahigpit na sundin ang priority list ng national vaccination program.
“Magtulungan po tayo. Hindi po kayang gawin ng national government lang ito. Nasa kamay po ng LGUs ‘yung pagdeploy ng bakuna, ‘yung priority list dapat masunod pa rin. Kung maaari po, suyurin n’yo po, puntahan n’yo ‘yung mga bahay ng mga kababayan natin, ‘yung mga senior citizens na takot pong lumabas. Puntahan n’yo po ang mga bahay doon n’yo po i-encourage na magpabakuna,” dagdag pa nito.
