Bukas ang Food and Drug Administration o FDA sa panukalang gawing legal ang pag gamit ng medical marijuana sa bansa.
Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni FDA Director General Dr. Samuel Zacate, na may iba’t ibang inobasyon pagdating sa medisina.
Hindi anya masasabi na wala nang pagbabago sa isang bagay lalo na sa gamot.
Isang magandang halimbawa anya dito ay ang penicillin, na nagmula sa fungi pero ngayon ay maraming nang nagagamot.
Dapat din anyang magkaroon ng malawak na therapeutic indications o therapeutic drug of choice ang mga Pilipino.
Nilinaw naman ni Zacate na hindi nito kayang pangunahan ang legislative dahil nasa kanila ang pagpapasya kung isasalegal ito sa bansa.
Sa huli iginiit ni Zacate na ang pagiging bukas nila sa medical cannabis ay basta hindi makakasama sa taumbayan.