Inutos ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Department of Health na imbestigahan ang mga umano’y “false positives” na nagmula sa COVID-19 tests na isinagawa ng Philippine Red Cross.
Inihayag ito ng Pangulo sa gitna ng kaniyang patuloy na pag-atake kay PRC chairman Senator Richard Gordon, na nangunguna ngayon sa pag-iimbestiga sa Pharmally, dahil sa mga overpriced umano na COVID-19 supplies nito na binili ng gobyerno.
Ayon sa Pangulo, katulad ng paghahanap ng Senado ng transparency mula sa Pharmally, ay nais rin nilang hanapan ng transparency ang Red Cross sa ilalim ni Gordon.

Kinwestyon ng Punong Ehekutibo kung talagang mahusay ba ang testing facilities ng Red Cross.
Naniniwala ang Pangulo na posibleng nagiging at risk ang mga tao dahil sa false positives ng Red Cross, lalo na at marami itong naidadagdag na total positive cases per day ng bansa.
Tinukoy rin ng Pangulo ang iniimbestigahan na insidente ng Research Institute for Tropical Medicine sa Subic kung saan ay nagpositibo sa swab test ang 44 mula sa 49 na tauhan ng isang ospital, ngunit base sa retest matapos ang tatlong araw, ay lumabas na negatibo ang kanilang resulta.