Nagbabala si House Committee on Dangerous Drugs Chairman Robert Ace Barbers kay dating Presidential Spokesperson Harry Roque na posible itong mapatawan ng mas mabigat na parusa kapag inulit ang “contemptible acts” sa pagdinig.
Ayon kay Barbers, handa ang Quad Committee na parusahan si Roque kung patuloy itong magsisinungaling sa imbestigasyon na may kaugnayan sa ilegal na aktibidad ng Philippine Offshore Gaming Operators, war on drugs campaign ng administrasyong Duterte at extrajudicial killings.
Kapag naulit aniya ang ikinilos ni Roque ay muling magpapasya ang quad-comm at iginiit na kanilang itinataguyod ang kahalagahan ng pagiging patas at consistent.
Nilinaw din ng kongresista na hindi nila pinaniwalaan ang palusot ni Roque na “honest mistake” ang hindi nito pagsipot sa nakaraang pagdinig ng komite sa Pampanga dahil alam naman niya ang schedule.
Marami na umanong naipa-cite-for-contempt ang quad-comm na hindi lamang nagsinungaling kundi lumabag sa House rules kaya nanindigan lamang sila sa desisyon.
Idinagdag pa ni Santa Rosa City Representative Dan Fernandez na hindi man lang nagsikap si Roque na makipag-ugnayan sa Kamara bilang marami naman itong kaibigan at dating kasamahan na sana’y matatawagan upang magpaliwanag.
Sinabi ni Fernandez na ang ibang resource persons na hindi nakakadalo ay gumagawa ng paraan upang makapagpaalam sa komite.