Emergency repatriation mechanisms para sa mga Pinoy sa Israel, pinatitiyak ng isang kongresista

Umapela si OFW Party-list Representative Marissa Magsino sa Philippine Embassy at Migrant Workers’ Office sa Israel na maglatag ng mekanismo para sa emergency repatriation ng mga Pinoy na naninirahan at nagtatrabaho doon.

Kaugnay ito ng ginawang pag-atake ng Hamas fighters sa mga komunidad sa Israel na ikinasawi ng daan-daang tao nitong Sabado ng madaling araw.

Ayon kay Magsino, nakababahala ang paglalabas ng “State of War alert” ng Home Front Command ng Israel kaya pinatitiyak nito sa Philippine government ang pag-asikaso sa mga apektadong Pilipino bukod pa sa mahigpit na monitoring sa sitwasyon.

Hinimok din ng kongresista ang Filipino community sa Israel na panatilihin ang komunikasyon sa embahada at MWO, gumawa na ng precautionary measures at sumunod sa utos ng Israeli Home Front Command.

Nagtalaga na aniya ng 24/7 Task Force Israel Desk ang DMW at OWWA para tulungan ang OFWs at kanilang pamilya.

Nanawagan naman si Kabayan Party-list Representative Ron Salo sa international community na suportahan ang mga hakbang ng Pilipinas na magsisiguro sa karapatan at kapakanan ng OFWs.

Gayundin sa magkabilang panig na sangkot sa hidwaan na tumalima sa international humanitarian laws.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *