Earthquake, fire drills, pinasususpinde ngayong tag-init

Nanawagan si House Deputy Minority Leader at Bagong Henerasyon Party-list Representative Bernadette Herrera sa NDRRMC na ipagpaliban ang pagdaraos ng earthquake at fire drills ngayong panahon ng tag-init.

Ayon kay Herrera, dapat paalalahanan ang school principals at administrators na iwasang ibilad sa araw ang mga bata.

Binanggit nito ang balita noong nakaraang taon na maraming mag-aaral sa isang secondary school sa Cabuyao, Laguna ang isinugod sa ospital matapos mabilad sa araw sa kasagsagan ng fire drill.

Umapela rin ang kongresista na itigil muna ang outdoor o open-air Physical Education classes, NSTP at kahalintulad na gawain para sa mga estudyante mula Kindergarten hanggang Grade 12 at sa kolehiyo.

Batid ni Herrera na tumaas na ang awareness level ng publiko ukol sa heat index at epekto ng El Nino phenomenon kaya marami ang nakaiiwas sa heat exhaustion, heat stroke at iba pang epekto ng matinding init.

Samantala, ipinanukala naman ng mambabatas na lahat ng Barangay Health Workers at opisyal ng barangay ay dapat umalalay sa mga komunidad na apektado ng init ng panahon.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *