Pumalag si Department of Social Welfare and Development (DSWD) Sec. Rex Gatchalian sa ‘di umano’y sinabi ni Presidential Adviser for Poverty Alleviation Larry Gadon na ‘haka-haka’ lamang ang kahirapan.
Sa pulong balitaan, sinabi ni Gatchalian na totoo ang kahirapan at sa katunayan ang naniniwala silang tuloy pa rin ang laban ng DSWD dito.
Aniya, kaya nga raw sila na bumabalangkas at nagpapatupad ng iba’t ibang mga programa, ay para maibsan ang kahirapan, ‘o kaya’y tuluyan na itong mawakasan.
Kabilang na rito ang Food Stamp Program, 4Ps, AICS, at ‘yung AKAP.
Muli namang idiniin ni Gatchalian na mayroong direktiba si Pangulong Bongbong Marcos na ibaba sa single digit ang kahirapan pagsapit ng 2028.
PAGLILINAW NI GADON
Sa hiwalay na Viber video message, idiniin ni Gadon na wala naman siyang sinabing ‘haka-haka’ lang ang kahirapan.
Aniya, palagi pa nga raw siyang naglalabas ng datos hinggil dito.
Sabi ni Gadon, may isa lang daw reporter na nag-‘twist’ ng kaniyang mga sinabi.
“Yung ABS CBN reporter ay basta na lang nagsulat nang hindi ko naman siya nakausap. Hindi naman niya ako na-interview. Bumunot lang siya ng mga ideas niya sa iba ibang articles at interview ko, tapos ‘twisted’ ang kaniyang pagkakasulat.” ani Gadon.