Binigyang-diin ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Assistant Secretary Elaine Fallarcuna na may mga establisyimento pa ring hindi sumusunod sa batas na kumikilala sa mga prebilehiyo ng mga persons with disabilities (PWDs).
Kasabay nito ay pinaalalahanan ng ahensya ang mga business establishments na kilalanin ang mga diskwento at iba pang privileges ng mga PWDs – batay na rin sa mandato ng Republic Act (RA) 10754, o ang An Act Expanding the Benefits and Privileges of Persons with Disability.
Ayon kay Fallarcuna, isa ito sa tinutugunan ng DSWD sa pamamagitan ng National Council on Disability Affairs (NCDA).
Sa ilalim ng batas, posibleng mapatawan ng karampatang parusa o multang P50,000 hanggang P200,000 ang sinumang lalabag dito.
Maliban sa mga ito, maaari ring makulong ang taong nag-violate ng anim na buwan hanggang anim na taon.