Ipauubaya na umano ng Department of Justice sa mga prosekyutor at Korte ang magiging kapalaran ng kaso ni suspended Bureau of Corrections director general Gerald Bantag.
Matatandaang kamakalawa nang dumalo na rin si Bantag sa preliminary investigation ng kanyang murder charges para sa Lapid-Villamor case; pero sinuspinde rin matapos niyang maghain ng mosyon para ipa-inhibit ang DOJ sa kaso.
Sa ilalim ng mosyon na inihain ng kampo ni Bantag – nanindigan silang Ombudsman dapat ang mag-imbestiga sa kanyang murder charges dahil isa raw siyang public official na mayroong salary grade 30.
Sa panayam, sinabi ni Justice spokesperson Atty. Mico Clavano na walang rason para Ombudsman ang humawak sa kaso.
Paliwanag ni Clavano, murder ang kasong kinahaharap ng suspendidong BuCor chief.
Sinabi pa niyang walang iregularidad na nakikita sa paghawak ng mga kaso.
Samantala, kinumpirma ni Clavano na hanggang sa ngayon ay hindi pa rin mahanap ang kapwa-akusado ni Bantag na si SJO2 Ricardo Zulueta.
Sa kabila niyan, tuloy pa rin aniya ang kaso at hindi ito makaaapekto sa imbestigasyon.
#