Tiniyak ng Department of Health na maigi nitong imo-monitor ang mga lugar na may tumataas na bilang ng COVID-19 cases sa National Capital Region.
Gayunman, nilinaw ng ahensya na hindi pa masasabi na nararanasan sa NCR ang panibagong surge ng infections.
Ipinunto ng DOH na agad nitong natutukan ang mga lugar na may tumataas na rates ng transmission base sa two-week growth rates (TWGR), sa affected population as per average daily attack rate (ADAR), at sa health care utilization.
Sinabi ng ahensya na nakararating naman sa kanila ang obserbasyon ng independent expert groups, ngunit kailangan pa rin ito na maberipika ng maigi.

Binigyang diin ng DOH na base sa datos nito ay maituturing na nasa moderate risk ang NCR, kung saan ay meron itong 19-percent increase sa TWGR, at ADAR na 6 cases per 100,000 population.
Kabilang ang Makati, Las Piñas, Pasay, Pasig, Taguig, Parañaque, Manila, Valenzuela, Navotas, Marikina, at Caloocan sa mga lungsod na may positibong TWGR, habang naitala naman ang high risk ADAR sa Makati, Las Piñas, at Pasay.
Sa kabuoan ay sinabi ng DOH na mababa ang health care at intensive care utilization rate ng Pilipinas.