BNFM BICOL—Isang empleyado ng Department of Health (DOH) ang nahawa sa COVID-19 sa lungsod ng Legazpi.
Base ito sa report ng Department of Health (DOH) CHD Bicol na inilabas kahapon. Ang nasabing pasyente ay isang 28-anyos na babaeng residente ng Barangay Bogtong. Nakaranas ito ng sintomas noong Biyernes, Mayo 7 at hindi pa kumpirmado kung saan nahawa.
Maliban dito, isang 48-anyos na babaeng taga Barangay Bonot ang nagpositibo rin sa sakit sa lungsod. Asymptomatic ito at hindi rin tukoy kung saan nahawa.
Samantala, patuloy ang paglobo ng aktibong kaso ng sakit sa lalawigan ng Albay at ngayon ay pumapalo na sa 619.
17 bagong kaso ang nadagdag kahapon kung saan pinakamarami ang naitala sa bayan ng Polangui na may anim, apat sa bayan ng Daraga, dalawa sa lungsod ng Legazpi at tig-iisa ang mga bayan ng Camalig, Libon, Manito, Oas at lungsod ng Ligao.
Dalawa ang nadagdag sa bilang ng mga nasawi kaya umakyat na 75 ang COVID-19 fatalities sa probinsya. Sa kabuuan, 1,867 na ang kaso ng sakit sa Albay, 1,192 na nito ang mga gumaling.
Kaugnay nito ay patuloy pa rin ang paalala sa lahat na sundin ang mga health protocol upang maiwasan ang patuloy na paglaganap ng coronavirus.###