Pinayuhan ni dating Health Secretary at ngayo’y Iloilo Representative Janette Garin ang Department of Health na pagtuunan ng pansin ang paglaban sa sakit na dengue kaysa palitan ang pangalan ng ahensya.
Sa isang press conference, sinabi ni Garin na dapat gawing prayoridad ng DOH ang pagpapalakas sa stratehiya upang labanan ang dengue.
Masyado na aniyang luma at kailangan nang palitan ang “4S” o ang Search and destroy breeding sites, Self-protection measures, Seeking early consultation and Supporting targeted fogging in outbreak areas.
Giit ng kongresista, mismong World Health Organization na ang nagpahayag na ilang dekada nang ginagawa ang 4S ngunit hindi sapat.
Mas mabilis na umanong mag-reproduce ang mga lamok sa panahon ngayon.
Una rito, mariing tinutulan ni Garin ang isinusulong ni Health Secretary Teodoro Herbosa dahil gastos lamang ito bilang kailangang palitan ang logo gayundin sa central office, ospital at local government units.
Wala umanong magiging kaibahan kung tatawagin ang ahensya na Department of Health and Wellness dahil parte naman na ng kalusugan ang “wellness”.