LEGAZPI CITY – Muling inilatag ng Department of Health (DOH) Bicol ang mga salik na isinasaalang-alang at mga sinusunod na pamantayan sa pagsasailalim ng mga lugar sa COVID-19 alert level 1. Ayon kay Kenn S. Nuyda, Nurse 5 ng RESU, upang maging alert level 1 ang isang lugar, tinitignan ang healthcare utilization rate, maging ang bilang ng mga kaso ng COVID-19 kung may pagbaba rito.
Aniya, tinitignan din ang percentage ng mga nabakunahan kung saan kinakailangang maabot o malagpasan ang target na 70-80%. Dagdag pa nito, kapag mababa ang vaccination roll-out, matatagalan pa ang de-escalation ng alert levels sa kabila ng pagbaba ng mga kaso maging ng healthcare utilization rate.
Sinabi rin ng opisyal na kung nais nang maging alert level 1 ang Bicol, kinakailangang pataasin ang immunization rate ng rehiyon.
Dahil dito’y hinihikayat ng DOH Bicol ang lahat na magpabooster o magpabakuna lalo ng mga hindi pa nakakatanggap ng unang series ng vaccine, at patuloy na sumunod sa minimum public health standards.