Suportado ng Department of Agriculture Regional Field Office 2 ang deklarasyon ni President Rodrigo Duterte ng Nationwide State of Calamity dahil sa African Swine Fever (ASF).
Sa panayam ng 92.9 Brigada News FM Cauayan kay DA Region 2 Regional Director Narciso Edillo, dahil dito ay magagawa na ang flexible na paggamit ng quick response fund ng lahat ng national agencies katulad ng DA.
Maari na aniyang maglatag din ng mga programa o livelihood ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno bilang tulong sa mga magsasakang naapektuhan ng ASF outbreak.
Batay din sa naturang kautusan ay magagamit na ng mga Lokal na Pamahalaan ang kanilang calamity fund sa pagsuporta sa pagkontrol ng ASF at sa repopulation para maibalik muli ang pag-alalaga ng baboy ng mga hog raisers.
Sa pamamagitan din nito anya ay makakatulong ito sa mga pangangailangan sa pagsugpo ng ASF katulad ng pagtatag ng bantay ASF sa barangay.
Nanawagan naman si RD Edillo sa mga lokal na pamahalaan kaugnay sa pagpapasa ng ordinansa ukol sa bantay ASF sa barangay para mas mapaigting pa ang monitoring sa mga barangay kung saan maari anyang magbigay ng training tungkol sa good practices para makontrol ang ASF.
Naniniwala ang opisyal na kapag naipatupad ito sa barangay ay mas epektibo ito sa pagpuksa ng naturang sakit sa mga baboy.