KORONADAL CITY- IPINALIWANAG ng Department of Education o DepEd South Cotabato Division kung bakit may mga paaralan na ginawang requirement ang COVID 19 vaccination sa mga estudyante na lalahok sa progressive face-to-face classes sa kabila ng pahayag ng DepEd national na hindi requirement ang bakuna.
Ayon kay DepEd South Cotabato Division Medical Officer Dr. Kashmyra Buenaflor na bago makapagsagawa ng face-to-face classes ang isang paaralan, kailangan ng mga ito ng letter of support mula sa mga local government units (LGU).
Kalakip sa letter of support ang mga kondisyon na inilatag ng LGU katulad ng pagiging vaccinated ng mga estudyante na papasok sa in-person classes.
Inihayag ni Buenaflor na sa South Cotabato, kabilang sa mga LGU na ginawang requirement ang COVID vaccination sa mga estudyante ng progressive face-to-face classes ay ang Tupi, Tantangan, Polomolok at Surallah.
Samantala, hinihikayat naman nito ang mga magulang na kumonsulta sa mga eksperto at huwag maniwala sa mga ‘fake news’ laban sa COVID 19 vaccine.
Binigyang diin ng opisyal na mahalagang mabakunahan ang mga bata upang makaiwas ang mga ito sa malalang sintomas ng COVID 19 lalo na sa pagbabalik ng face-to-face classes.
