CAMARINES NORTE- Umarangkada na simula ngayong araw ang COVID- 19 vaccination para sa mga batang edad 5- 11 taong gulang sa Camarines Norte Provincial Hospital.
Ayon kay Provincial Health Officer Dr. Arnel Francisco, target na mabakunahan sa lalawigan ang nasa ang 97, 000 na mga bata sa naturang age group.
Mayroon umanong dumating na paunang 7, 000 doses ng bakuna na paghahatian ng iba’t- ibang Rural Health Units at tatlong special vaccination center at ito ay tatagal ng isang linggo.
Ngayong araw ay 60 mga bata ang naka schedule na bakunahan sa CNPH at ito umano ay nakalista na bago pa man ang schedule ng bakunahan.
Ayon kay Francisco kailangang ilista upang hindi magkagulo at maiwasan ang siksikan sa vaccination center.
Hinimok din nito ang mga magulang na dalhin ang kanilang mga anak sa kani- kanilang RHU upang mabakunahan kontra COVID- 19.
Ipinaliwanag naman ni Dr. Marissa Obal ang Head ng CNPH Pediatric Department kung bakit kailangang bakunahan ang mga bata na kabilang sa naturang age group.
Aniya, tulad ng matatanda ay kailangan din silang maprotektahan kontra COVID- 19.
Ligtas at epektibo umano ang COVID vaccine na Pfizer at para sa naturang age group ay binabaan ang dose kumpara sa mga adult population.
Napatunayan din aniya na nakapa minimal lang o very mild ang untoward reaction para sa pediatric population.
Kabilang sa common reaction na maaaring maranasan matapos mabakunahan ay ang pamamaga at pananakit sa parte ng katawan na binakunahan at pwede ring magkaroon ng lagnat .
Isa sa mga unang nabakunahan kontra COVID- 19 ay ang dalawang anak ni Thea Villaluz na edad sampu at walong taong gulang.
Ayon kay Mommy Thea 32, hindi siya natakot para sa kaniyang mga anak na mabakunahan kontra COVID- 19 dahil kailangan umano ng mga ito ng proteksyon sa sakit.
Hinimok din nito ang mga kapwa magulang na pabakunahan ang kanilang mga anak lalo na ngayong nag umpisa na ang face –to-face classes.
