LEGAZPI CITY – Dahil sa naitalang kaso ng COVID-19 sa loob ng isang evacuation center sa lalawigan ng Albay partikular sa Gabawan Elementary School ng Brgy. Gabawan, Daraga, agad na nagsagawa ang Department of Health (DOH) Bicol ng pagbabakuna laban sa COVID-19.
Sa nasabing bakunahan, labintatlong mga evacuees ang nabakunahan laban sa nasabing sakit gamit ang Sinovac at Pfizer vaccines.
Pinangunahan ito ni DOH Bicol Regional Director Dr. Ernie Vera sa pakikipagtulungan ng Albay Provinicial Health Office na pinangungunahan din ni Dr. Estela Zenit.
Sa isinagawang aktibidad, nananawagan ang nasabing mga tanggapan sa mga residente na makipag-ugnayan sa kanila ang mga may kulang pang dose, at booster shots upang mabigyan.
Maliban dito, pinayuhan din ang mga pamilya at mga indibidwal sa loob ng nasabing evacuation camp na sumunod sa mga minimum public health standards upang hindi na madagdagan pa ang mga kaso at maiwasan ang hawaan ng iba’t ibang mga sakit.
Kabilang dito ang pagpapanatiling malinis sa pangangatawan sa pamamagitan ng proper hygiene, pagsusuot ng face masks, at social distancing.
Magugunitang nito lamang Lunes ay nagpositibo sa nasabing sakit ang isang 82 anyos na lola sa evacuation center ng barangay sa gitna ng banta ng bulkan, kung saan kumpirmado ring positibo sa COVID-19 ang 12 anyos na lalaki na isa sa mga closed contacts nito.