Nahaharap na ngayon sa kaso ang isang pulis dahil sa umano’y pag-gamit ng buy-bust money na pampusta sa online cockfighting o e-sabong.
Tinukoy ni Philippine National Police (PNP) spokesperson Police Colonel Jean Fajardo ang naturang pulis na si Police Lieutenant John Kevin Menes, na nakatalaga sa PNP Drug Enforcement Group–Special Operations Unit–4 (DEG–SOU4) ng Police Regional Office-4A (PRO-4A).
Ayon kay Fajardo, si Menes ay nahaharap sa kasong estafa at illegal gambling dahil sa umano’y pagkawala ng nasa P500,000 na cash na inilaan sa DEG sa Calabarzon.
Maliban pa dito umano sa criminal case, may kakaharapin pa siyang isang kaso na administratibo dahil sa malversation of government funds.

Una na umano na-restrict si Menes sa headquarters ng PRO-4A sa Calamba, Laguna, matapos na bigo nitong maipresenta ang P500,000 na operational funds para sa anti-narcotics operations, pero tumakas ito noong March 27 gamit ang sasakyan na kanyang hiniram sa kanyang subordinate si Patrolman Melvin Bojocan Barbo.
Dahil sa hindi na nito naisauli ang sasakyan, naglunsad ang mga otoridad ng search at recovery operation, at matapos ang dalawang araw, may natanggap na impormasyon ang mga pulis na si Menes ay naispatan sa isang online betting station sa Sta. Mesa, Manila. //MHEL PACIA-TRINIDAD