LEGAZPI CITY – Ikinadismaya ng commuter sa lungsod ng Legazpi ang posibleng paglobo ng pamasahe sa modern jeepney sa oras na tuluyan nang i-phase out ang mga tradisyunal na jeepney sa Pilipinas kaugnay ng Public Utility Vehicle (PUV) modernization program.
Posible kasing abutin mula P40 hanggang P50 ang magiging minimum fare sa isang modern jeep makaraan ang ilang taon kapag wala nang traditional jeeps ayon sa isang grupo ng mga komyuter.
Tutol dito si Manuela, isang komyuter sa lungsod, sapagkat masyado na itong mabigat sa bulsa lalo na’t hindi naman lahat ng pasahero ay maa-afford ito.
Sa panayam sakanya ng Brigada News FM Legazpi, sinabi pa niya na may mga anak din siyang nag-aaral at nangangailangan ng araw-araw na pamasahe.
Tanong niya eh saan na lamang sila kukuha ng pera pampamasahe ng kanyang mga anak kung ganito kamahal lalo pa’t aminado rin siyang hindi sapat ang kinikita nilang mag-asawa at isama pa ang mga kinakailangan tulad ng pagkain.
Aniya, kung magiging ganoon kamahal ang pamasahe baka piliin niya na lamang na maglakad kaysa sumakay sa modern jeep.
Samantala, umaasa siya na sana ay magawan ito ng paraan ng gobyerno sapagkat baka hindi rin nila kayanin dahil sumasabay pa ang nagtataasang presyo ng mga bilihin lalo na ang bigas at mga pagkain.