CAMARINES NORTE- Pinagting pa ng Philippine National Police ang pagsasagawa ng Comelec checkpoint sa bayan ng Mercedes, Camarines Norte.
Katuwang ng PNP ang mga tauhan ng Philippine Coast Guard na naatasan ding tumulong sa pagmamando ng checkpoint sa pamamagitan ng isang Comelec resolution.
Kanina sa kalagitnaan ng mainit na sikat ng araw, isa- isang pinahihinto ng PNP at Coast Guard Personnel ang mga dumaraang sasakyan sa tapat ng munisipyo.
Walang pinalagpas ang mga nagmamando ng checkpoint at pinahihinto ang truck, jeep, tricycle, motorsiklo at mga pribadong sasakyan.
Ayon sa PNP mayroon din silang mga natitiketan kung mayroong violations.
Batay sa kalatas na ipinalabas ni Election Officer III Farrah Guzman, ang mga lugar kung saan ginagawa ang checkpoint ay sa Barangay 5 at Barangay Del Rosario o sa boundary ng Mercedes at Daet.
Kada linggo ay mayroong inilalabas ang Comelec na schedule ng oras at lugar ng checkpoint.
Tumatagal ito ng dalawang oras alinsunod sa Comelec Resolution No 10741.
Samantala nauna na ring tiniyak ng Philippine Coast Guard na magiging katuwang sila ng PNP sa pagsasagawa ng checkpoint.
Sa katunayan ay handa rin daw ang kanilang personnel hindi lang sa Mercedes kundi sa iba pang bayan na mayroon silang substation na makipagtulungan sa PNP.
