Naglabas na ng pahayag ang Coastguard District Palawan ilang araw matapos makabalik ng ligtas ang walong mangingisda sa Barangay Bagong Bayan, Puerto Princesa noong ika-2 ng Oktubre 2022.
Ayon kay CG LT GRETCH MARY B. ACUARIO, maaaring nagkasalisihan ang MRRV 4403 o ang barko na ginamit sa search and rescue operation at ang mga bangka ng mga mangingisda.
Mababatid na kapwa mangingisda ang nakakita sa eksaktong kinaroroonan ng walo habang lulan ng dalawang bangka malapit sa pinag-aagawang teritoryo makaraan na hindi agad makauwi.
Kaugnay nito, humihingi lamang aniya ang PCG ng tulong sa media upang paalalahanan ang mga mangingisda tungkol sa panganib sa paglalayag sa tuwing masama ang panahon o may bagyo.
Ipinaalala rin nito na mapanganib para maglayag kung lagpas na sa Municipal waters ( 15km ) ang mga bangkang mas mababa sa 3GT.
Samantala, wala pang pahayag ang CGDPal kaugnay sa iniulat ng mga mangingisda na namataan nila ang pagbubuhos ng bato ng Chinese vessel malapit sa Spratly.