SORSOGON CITY – Tinukoy ng City Health Office (CHO) ang mga indibidwal na kwalipikadong maging blood donor.
Sa pahayag ni CHO-head Dr. Rolando Dealca, sinabi nito na bukod sa age requirement na 17 hanggang 65 years, kailangan din umano na ang magdodonate ng dugo ay hindi anemic.
Ibig sabihin ang kanyang hemoglobin ay nasa tamang lebel.
Dapat din umano na ang Blood Pressure o BP ng donor ay pasok sa range kung saan kailangan na ang kanyang systolic ay dapat na nasa 90-160 at 60-100 naman ang diastolic.
Kailangan din umano na siya ay tumitimbang ng 50 kls pataas.

Dagdag pa nito, ang isang qualified donor ay maaaring magdonate ng dugo kada tatlong buwan.
Pagtitiyak naman ng opisyal, dadaan sa mga laboratory test ang taong nais magdonate ng dugo upang masiguro kung siya ay puwede o kwalipikadong kuhanan ng dugo.
Dagdag pa nito, bagama’t malaki ang pangangailangan sa dugo hindi naman umano ito nangangahulugan na sinumang nais maging blood donor ay papayagan na magdonate, pinakamahalaga pa rin umano na hindi maapektuhan ang kalusugan ng blood donor.