BICOL—Muling nanawagan ang Legazpi City Health Office sa mga nasa A2 priority group o mga senior citizens na huwag matakot na magpabakuna sa COVID-19.
Ito ay kaugnay ng nagpapatuloy na vaccination rollout sa lungsod kung saan mababa pa ang turn out ng mga nababakunahan sa nasabing priority group.
Ayon kay City Health Officer Dr. Fulbert Gillego, nais nilang maparami pa ang mga senior citizen na mababakunahan bilang proteksyon sa konsideradong vulnerable sector.
Paliwanag nito, hindi naman basta basta ang pagbabakuna dahil mayroong mga isinasagawang medical assessment and evaluation upang matiyak na kwalipikado ang mga ito depende sa estado ng kanilang kalusugan.
Sa nayon, maliban sa mga vaccination sites na nakalatag sa sentro ng lungsod, idinadayo na rin sa mga barangay ang vaccination rollout upang maabot ang target na bilang ng mga dapat mabakunahan.
Kahapon, nasa siyam na barangay ang natapos sa nagpapatuloy na Barangay to Barangay Senior citizen vaccination sa lungsod.
Kabilang sa mga ito ang mga barangay ng Homapon, Pinaric, Brgy 1, Pigcale, Brgy Baybay, Brgy 17, San Roque, Estanza at San Francisco.
Ngayong maghapon, sampong barangay ang dinayo ng vaccination team kabilang ang mga barangay ng Bonot, Orosite, Peñaranda, Brgy 7, Brgy 8, Brgy Maoyod, Brgy 10, 11, 14 at Brgy 15.
Gamit ng grupo an Janssen vaccine ng Johnson and Johson kung saan isang dose lamang ang itinuturok upang makuha ang kinakailangang proteksyon.# || SLM
