CAMARINES NORTE – Nagbigay ng mga paalala si Diocese of Daet Bishop Rex Andrew Alarcon sa mga magulang hinggil sa pagpapalaki ng kanilang mga anak.
Sa kaniyang homily sa kapistahan ng Santo Niño, nitong Linggo, January 21, sa Holy Trinity Cathedral inilatag ni Bishop Alarcon, Chairman ng Catholic Bishops Conference of the Philippines Episcopal Commission on Youth ang ilang mga paalala para lumaking mabuti ang mga bata.
Aniya hindi dapat pinipuwersa ang mga bata sa mga bagay na hindi pa nila kayang gawin o hindi pa abot ng kanilang kaisipan.
Mahalaga umano ang paglalaro sa mga bata at hayaang i- enjoy nila ito. Natututo rin umano ang mga bata sa kung paano sila pinalaki.
Halimbawa, kung namumuhay ang bata na palagi na lang pinupuna at pinagtatawanan lalaki ang mga itong takot at walang tiwala sa sarili.
Kung pinalaki naman daw ang mga bata na ini- encourage sa halip na pinagtatawanan ay nagkakaroon umano ito ng tiwala sa sarili.
Pinaalalahanan din ni Alarcon ang mga nakatatanda na tularan ang mga bata sa pagiging simple at nagtitiwala sa Diyos.
Masyado na raw kasing kumplikado ang buhay ngayon at ang kapistahan ng Sto Nino ay paalala sa bawat isa na maging simple tulad ng mga bata. Higit sa lahat, ang mga matatanda raw sana ang mag- akay sa mga bata tungo sa kabutihan.
