CAMARINES NORTE- Muling nagpadala ng mga Lineman ang Camarines Norte Electric Cooperative para tumulong sa pagbabalik ng suplay ng kuryente sa Bohol na isa sa napuruhan ng bagyong Odette Disyembre ng nakaraang taon.
Tutulong ang mga Lineman ng Canoreco sa Bohol Electric Cooperative (BOHECO) II sa pagpapatuloy ng power restoration sa nasabing lugar na isa sa mga lalawigan na napinsala ng malakas na bagyo.
Bago tumulak papuntang Visayas ay pinulong muna ang mga ito ni General Manager Zandro Gestiada tungkol sa kanilang mga gagawin, mga safety and health protocols at iba pang mga paalala.
Tatagal ang grupo hanggang February 15 ng taong kasalukuyan.
Kung maalala ay unang nagpadala ng personnel ang Canoreco noong Disyembre 21, 2021 at tumagal ang mga ito hanggang Enero 4 nitong taon kaya’t doon na rin sila nagdiwang ng Pasko at sumalubong sa Bagong Taon malayo sa kanilang pamilya.
Ayon sa Canoreco, apat sa naunang ipinadalang anim na Lineman ang umuwi na noong Enero 17.
Ang dalawang nagpaiwan ay nanatili sa Bohol upang samahan ang mga bagong padalang Lineman doon.
Isa lamang ang Canoreco sa mga electric cooperative sa bansa na tumutulong sa lugar na labis na naapektuhan ng bagyong Odette bilang bahagi ng Task Force Kapatid.
Ang Task Force Kapatid ay grupo ng mga electric cooperative na tumutulong sa agarang pagbalik ng serbisyo ng kuryente sa mga kapwa electric cooperative na tinamaan ng matinding sakuna gaya ng bagyo.
