Muling nilinaw ng Department of Health (DOH) na hindi pa rin nila inirerekomenda ang “booster shot” ng bakuna kontra covid-19 kahit pa sa mga healthcare workers sa bansa.
Ito ang nagging pahayag ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire matapos ang naging ulat sa Thailand na umabot sa daan-daang mga health workers na nabakunahan ng Sinovac ang tinamaan pa rin ng covid-19.
Dahil dito ay pinag-aaralan na umano sa Thailand, maging sa Indonesia ang booster shot para sa kanilang mga medical frontliners.
Pero ayon kay Vergeire, sa ngayon ay wala pang mapanghahawakan na ebidensya kung totoong epektibo ang pagbibigay ng ikatlong dose ng bakuna kontra covid-19.
Kaugnay nito, nagbabala naman ang opisyal sa mga doktor na magkakaloob ng booster shot at sinabihang sumunod sa mga protocols ng pamahalaan.
Ipinunto ni Vergeire na kung ano ang nakasaad sa emergency use authorization (EUA) na inaprubahan ng Food and Drug Administration (FDA) ay ito dapat ang sundin.
Samantala, binigyang diin naman ng kalihim na ang prayoridad pa rin sa kasalukuyan ay ang mabakunahan ang mas maraming mga Pilipino.