Pinayuhan ni Senator Christopher “Bong” Go ang ruling party laban sa lalo pang pagkakahati-hati, kasabay ng muling panawagan sa mga miyembro na magkaisa.
Ayon kay Go, inaasahan niyang darating ang panahon na magkakasundo ang ang PDP-Laban na maging ruling party.
Sa katunayan, sa Senado at sa Kamara ay sila umano ang mayorya ng partido, at sayang umano kung magkahati-hati sila.
“Umpisa po, iilan lang ang miyembro. Nang nanalo si Pangulong Rodrigo Duterte, marami ang sumama. Naniniwala ako na kaya sila nandiyan ay dahil naniniwala sila sa liderato ng Pangulo. Sana maayos ang gusot … Nananawagan rin ako kay Senator Koko Pimentel at Senator Manny Pacquiao na sana maayos itong gusot,” apela ni Go.
Mababatid na si Go, na nagsilbi bilang national auditor ng PDP-Laban simula noong 2016, ay muling nahalal sa parehong pwesto, matapos ang ginawang halalan sa national assembly.
Sa isang panayam, patuloy na umaasa si Go para sa isang ‘amicable resolution’ sa mga isyu sa party members.
Nanindigan rin ito na nananatili siyang kaibigan ng parehong grupo at inalok ang kanyang kahandaan na magsilbi bilang mediator para maresolba ang anumang hindi pagkakaintidihan.
“Bilang malapit sa Pangulo at sa ilang miyembro ng partido, more than willing po ako na magpagitna. Iyan naman ang trabaho ko noon pa. Nung ‘di nagkaintindihan si Secretary Francisco Duque at Mayor Jerry Treñas, ako ang nakiusap sa kanila na pwede ba i-extend ang kanilang pasensya,” paliwanag ni Go.
