Aminado si vaccine czar Secretary Carlito Galvez Jr. na bumaba ang seven-day moving average ng daily COVID-19 vaccinated individuals ng bansa noong nakaraang linggo dahil sa kakulangan ng vaccine supply.
Sa briefing kasama si Pangulong Rodrigo Duterte at iba pang miyembro ng Gabinete ay inihayag ni Galvez na inaasahan nito na magre-rebound ang moving average ngayong linggo kung saan ay inaasahan na made-deliver sa bansa ang karagdagang 10-million doses ng bakuna ngayong buwan.
Iginiit ni Galvez na noong nakaraang linggo ay naantala ang ilan sa mga deliveries ng bakuna.

Base sa huling datos ng Department of Health ay lumabas na nasa 112,621 ang seven-day moving average ng bansa.
Sinabi naman ng kalihim na nitong June 6 lamang ay nagkaroon ng delivery ng karagdagang 1-million doses ng Sinovac COVID-19 vaccine sa bansa.
Mababatid na pumalo na sa kabuoang 1,544,332 na tao ang nabakunahan na ng buo laban sa COVID-19 dito sa bansa, kabilang na ang 827,089 na healthcare workers, 369,387 na senior citizens, 343,297 na persons with comorbidities, at 4,559 na essential workers.
Samantala, nasa mahigit 4.42-million na indibidwal naman ang nakatanggap na ng kanilang first dose.