Isa na ang patay habang anim ang sugatan nang magka-tensyon ang huling araw ng Certificate of Candidacy (COC) Filing sa bayan ng Shariff Aguak, Maguindanao Del Sur.
Sunod-sunod na putok ng baril ang umalingawngaw sa tapat ng municipal hall ng nasabing bayan at mayroon din namang mga nagbatuhan.
Naiulat ngang nasawi isang barangay tanod na kinilala lamang sa alyas na Baguinda habang kabilang naman sa mga sugatan sina PCpl Montassir A. Eskak ng 1st PMFC Maguindanao del Sur PPO, alias Saddam Taguigaya na residente ng Mother Barangay Poblacion Shariff Aguak at si Morsid Pendulat isang empleyado ng LGU Shariff Aguak.
Ayon sa pulisya, may nagtimbre umano sa kanila na mayroong standing warrant of arrest ang isang vice mayoralty aspirant.
Isinailalim nila ito sa questioning ng ilang sandali kaya nabatid na hindi tumugma ang pangalang iniuugnay sa kanya.
Nang maghahain na sana ang naturang aspirant ng COC, tanging certificate of nomination lamang ang dala nito at ng kanyang kasama.
Sumiklab ang tensyon nang nakarating sa kanyang mga taga-suporta na hindi ito makakapaghain ng kandidatura.
Isa sa mga sugatan ang nasa kritikal na kondisyon.
Matapos ang cutoff, sinabi ng COMELEC na nakapaghain naman ng COC ang mga naturang kandidato. (with reports from ROY HOLGADO – 89.3 BNFM COTABATO)