KORONADAL CITY — KINUMPERMA ngayon ng punong barangay ng Barangay Yangco, Banga, South Cotabato ang kaso ng African Swine Fever o ASF sa kanilang lugar.
Sa panayam ng Brigada News FM Koronadal kay Punong Barangay Rosendo Munar, nakumperma umano ang kaso sa isang backyard hog raiser sa Purok Riverside matapos nag-positibo sa ASF ang isang baboy nito.
Dahil dito, agad na ipinatulad ang mandatory culling sa mga baboy na nasa loob ng 500-meter radius habang test and destroy naman sa mga sakop ng 1-kilometer radius.
Pinasiguro naman ni Munar na makakatanggap ng tulong ang mga hog raisers na apektado ng ASF.
Una nang ikinagulat ng hog raiser na si Renante Cabangan na nag-positibo sa ASF ang baboy nitong namatay matapos umanong nabinat.
Inako naman ni Cabangan na namimili ito ng mga baboy ngunit sa loob lamang ng South Cotabato partikular na sa bayan ng Tboli.
Sa ngayon, patuloy ang imbestigasyon ng Provincial Veterinary Office o PVet sa unang kaso ng ASF sa South Cotabato.
